Ako lang.

Masarap umiyak sa gabi habang umuulan.

Walang makakahalata ng aking mga luha.

Walang makakakita ng pagyanig ng aking mga balikat.

Walang makakarinig ng aking mga hikbi.

Walang makakapansin na halos kaladkarin ko na ang aking mga paa.

Walang makakaalam.  Ako lang.

Advertisements

Daloy

Ang pagluha ko ay paghinga.  Pagbitaw.  Sa akin, na hangga’t maaari ay umiiwas sa pagpapakita ng kahinaan ng loob, ito ay pagtitiwala sa kung sino man ang nandoon.  Hinding-hindi ito pagpapaawa.

May mga hindi makaunawa sa aking mga luha.  May di kayang tumingin habang ako’y umiiyak.  Marahil ayaw harapin at makita ang katotohanan.

Simple lang naman ang kasagutan: Makipag-ugnayan.

May nagsabi na ang pagdating ng buwanang dalaw ang dahilan.  Sa aking palagay, sinadya ng kalikasan na gawing “sumpungin” ako para ako’y makahinga.  Isa itong biyaya para hindi ako masiraan ng bait.

Lahat ng pagdaloy ay may dahilan.  Maling pangunahan, maling husgahan.  Hindi ikaw ako.

Mahirap umiyak.  Bukod sa pamumugto ng mga mata na tila bang naghahayag sa lahat ng makakita na ako’y may problema, napakasakit sa damdamin at isipan.

Di pa tapos ang aking pagluha.  Pero ako’y mas nakakahinga na.