18 Abril 2020, Balsigan
Kapag namatay ako, susunugin ang aking katawan. Isang araw lang ang lamay. Hindi na ako kailangang puntahan. Patay na ako eh. Kung makikiramay sa aking pamilya, mas magandang bumisita ng walang dahilan.
Hindi ko kailangan ng urn. Ihalo sa pataba o ihagis na lang sa mahanging lugar. Pwede sa bangin sa tabi ng aming tahanan sa Tagaytay o di kaya sa Bauko kung hindi ko pa ito napuntahan. Kahit man lang yung abo ko makapunta at pati yung taong magdadala at maghahagis nito. Matutuwa ako kung matuwa siya sa lugar na yun.
Sa araw ng lamay, gusto ko ipatugtog ang:
“Kissing” ng Bliss. Nasa Chill-Out Project ni Anton Ramos, Track 3.
“Sunshower” ni Chris Cornell.
“Then Came a Thousand Elephants”.
“Comet’s Tail” album ni Cynthia Alexander. Tracks 1, 3, 4, 5, 10, 13, 14.
Lalo na ang kantang No Umbrella. Yan ang kanta ko kay Gari.
Wala akong kayamanan, mga naipong perang pinaghirapan lang. Madaling gastusin.
Ang tanging matuturing ko na may halaga ay ang mga piyesang ginawa ko at mga art barter. Siguro pati yung mga sinulat ko sa journals mula noong bata ako, mga tula. Mga pinagdaanan, naramdaman, natutunan.
Pwedeng basahin pero malamang boring yun. Pero kahit hindi na itago. Pwedeng punit-punitin at isama sa pataba.
Ang tanging naging silbi ng aking pagsusulat ay ang huminga. Minsan umiiyak habang humihikbi. Paghinga rin yun. Pahinga.
Halos lahat ng ginawa ko ay self-portrait. Kung ano ako dati, sino ako ngayon at ano ang aking mga ninanais at hinahangad. Sabi ni Gari mahirap maintindihan ang mga gawa ko. Mahirap nga akong maunawaan. Kaya kapag may nakagusto, ibang klase ang katuparan at kaligayahan.
Para sa mga kaibigan at kamag-anak na bumili at mga artists na nakipag-barter ng art, kahit papaano tataas yang halaga niyan dahil patay na ako. Maraming salamat sa inyo. Pinasaya niyo ako.